Pages

Sunday, August 28, 2011

Imahe at Realidad: Buhay at Lipunang Pilipino Noong Dantaong 19

Nakilala ko sina Bb. Rose Mendoza at G. Randy Madrid, parehong historyador sa UP Diliman, habang ako'y nagkakalkal ng mga dokumento patungkol sa San Juan Batangas sa National Archives. Naging malaking tulong sila sa aking pananaliksik at inanyayaan nila ako na dumalo sa isang serye ng mga lektura patungkol sa ika-19 siglo sa kasaysayan sa Pilipinas. Ayon kay Bb. Mendoza, magiging malaking tulong daw ang diskusyon ni Dra. Alma Bamero sa paglalakap ng impormasyon, sapagkat nabanggit ko na ako'y baguhan sa larangan ng pananaliksik ng mga pangunahing batis at iyong pagpunta ko sa National Archives noong nakaraang linggo ay ang kauna-unahang pagkakataong nakaapak ako doon at unang beses ko rin manaliksik.

Kung kaya't kahit na puyat ako dahil sa paghahanda para sa isang report na tinapos ko noong madaling araw na ng Huwebes ay bumangon pa rin ako nang maaga upang maabutan ang lektyur ni Dra. Bamero. Natanggap ko kasi ang isang mensahe galing kay Bb. Mendoza na magsisimula daw ang lektyur ng 8:45 ng umaga.

Hindi naman nasayang ang aking paggising nang pagka-aga-aga sapagkat marami akong natutunan. Isa na rito ang "guide" sa pananaliksik ni Dra. Bamero kung saan nagbigay siya ng mga suhestiyon kung paano manaliksik sa National Archives. Halimbawa, kung nais ng mananaliksik na magfokus sa mga krimen noong dantaong 19, maaaring kumonsulta sa koleksyong may pamagat na "Asuntos criminales" kung saan makikita ang iba't ibang mga pamagat tulad ng "robo", "contrabandos", "licencia de armas", "guardia civil", at "deportados".

Maaari ding manaliksik patungkol sa kasaysayang pang-ekonomiya sa mga koleksyong "Comercio", "Aduana", at "Almacenes".

Ang sumunod na tagapagsalita ay si Dra. Maria Luisa Camagay. Ang kanyang lektyur, na pinamagatang "Kasaysayang Panlipunan ng Maynila noong Dantaong 19" ay tungkol sa pagtingin hindi sa mga elite kundi sa masa, hindi sa mga pangyayaring sensasyonal kundi sa mga karaniwang pang-araw-araw na kalagayan noong ika-19 siglo. Tiningnan din niya ang representasyon ng ilang karaniwang tao sa sining, lalo na sa mga obras nina Damian Domingo at ng kanyang disipulo na si Asuncion. Ilan dito ay ang lechera, panadero, at buyera. Ipinakita rin ang iba't ibang libangan ng mga tao noon gaya ng sabong, sipa, at baraha.

Ang ikatlo't huling tagapagsalita ay si G. Nick de Ocampo ng College of Mass Communication. Ang kanyang lektyur ay may pamagat na "Depiction of 19th Century Manila/Philippines in Film" na naghahalo ng dalawang disiplina ng pelikula at kasaysayan. Siya ay nanaliksik patungkol sa relasyon ng pelikula at mga pangyayari noong ika-19 siglo. Ayon kay Dr. De Ocampo, importante ang historical context sa konsiderasyon ng pagrepresenta sa Pilipinas sa pelikula. Ayon sa kanya, ang pelikula ay hindi lamang isang forma ng libangan, kundi isang forma ng pag-eespiya ng mga Amerikano sa Pilipinas noong mga unang taon ng Dantaong 19.

Ako'y lubos na natutuwa't nakadalo ako sa mga talakayan bagamat medyo nahuli ako ng dating at hindi nasimulan ang kay Dra. Bamero. Gayunpaman, namulat ang aking mata na mrami pang kailangang gawing pananaliksik sa kasaysayan ng Pilipinas. At sa pangatlong pagkakataon ay lubos akong nabigyan ng inspirasyon ng Departamento ng Kasaysayan na gamitin ang aking kaalaman sa iba't ibang wika sa pananaliksik. (Ang una ay nang nakiupo ako sa klase ni Dr. Maris Diokno at ang pangalawa ay noong ako'y dumalo sa mga talakayan patungkol sa mga batis noong nakaraang taon.)