Pages

Tuesday, January 31, 2012

Mga Pangyayari Ngayong Enero ng 2012

Ngayon ang huling araw ng unang buwan ng 2012. Maraming nangyari. Isa na rito ang isang linggong pagpupuyat upang matapos lamang ang isang kinakailangang isumite, ang sayt report para sa Archaeo 206. Sa wakas ay natapos ko na rin iyon matapos ang ilang buwang pamomroblema kung paano gagawin iyon. Kabilang na rin siguro sa aking pagiging abala ang paulit-ulit na pag-revise sa trench report. Nakakapagod, parang walang katapusan. At naging problema pa ang pagloloko ng Yahoo Mail kung kaya't lalo kaming nahirapan ng partner ko.

Bukod pa rito, naging biktima ako nang dalawang beses. Dalawang magkasunod na biyernes akong pumasok naa handang handa para magreport para lang malaman na walang klase. Iyon siguro ang pinakabad trip na pwedeng mangyari. Kasi siyempre, magagamit ko sana ang oras ng pagbiyahe sa paggawa ng isa pang paper na dapat ay matagal ko nang ipinasa sa prof ko.

Nagsimula na ang impeachment trial ni Corona. Nais ko sanang magtungo sa Sandiganbayan upang makita ang aktwal na court proceedings subalit dahil na rin sa aking trabaho kung saan hindi ako pwedeng lumiban, ay kailangang isakripisyo ang ninanais na ito. At dahil nga abala rin ako sa kakahabol ng kung ano-anong deadline e wala na rin akong oras na subaybayan ang mga balita ukol dito. Pag-uwi sa bahay ay derecho tulog at pahinga. Nais ko sanang gamitin ang pagkakataon upang pag-aralan ang mga nangyayari sa korte pero mukhang ayaw na naman ni tadhana. Hindi naman kasi ako si Superwoman na hindi marunong mapagod. Hay, napakahirap maging isang mortal.

Medyo nagiging malapit na ako sa aking mga estudyante. Unti-unti ay naiintindihan ko ang mga bagay-bagay patungkol sa paaralan. Mukhang hindi lang pala ako ang biktima ng sistemang ito, pati na rin ang mga bata ay ginagatasan ng sistemang base sa kapitalismo na wala nang inisip kundi ang kumita ng malaki kahit na ang kapalit ay magsanhi ng lubusang kapaguran sa ibang tao--- sa kontekstong ito, ang mga guro't mga estudyante. Hindi rin maiiwasan kung bakit maraming estudyante ang nagrereklamo. At dahil naiintindihan ko ang mga hinaing nila ay kampi ako sa kanila. Hindi rin makatarungan para sa akin ang ginagawa ng paaralang ito. At kailan lang ay nalaman ko kung paano rin nila gatasan ang mga guro at mga estudyante na lalong nagpagalit sa akin. Kung katotohanan at awa ang motto nila, pues, ako na aang nagsasabi na isang malaking kasinungalingan ito. Puro panloloko at puro pagpapakasakit sa tao. Kung kaya't sinabi ko na lang sa sarili ko na mag-adjust alang-alang sa mga estudyante ko.

Isa pa siguro sa highlight ng buwang ito ay ang pagpunta namin ng mga ate ko kasama ang kanilang mga kaibigan sa Star City. Naalala ko mga ilang taon na ang nakaraan, nagpunta kami doon ng buong pamilya para lang magtapon ng pera. Napilitan lang din kasi si papa. Ni hindi kami nagtagal doon nang isang oras dahil gusto nang umuwi ni papa. At dahil madaming tao noon, ni hindi kami nakapag-bump cars, na siyang gustong gusto naming magkakapatid. Pero ngayong buwan ay nagkaroon ng pagkakataon na makasakay muli sa bump cars. Nag-rappel din ako. At iyong Anchors Away kung saan napamura ako nang lubos dahil sa sobrang sakit na ng ulo ko. (At mukhang ewan lang talaga kami doon, tawa-tawa tapos magmumura.)

At isasama ko na rin siguro ang pagsubok ko sa Honey Garlic Chicken ng Chowking na mukhang masarap sa mga ads nito sa dyaryo at TV. Pero hanggang dun lang pala, hindi ako nasarapan dun. Ni hindi honey ang gamit nila. Walang bango ng honey at garlic. Amoy vetsin. Naalala ko tuloy yung kinain kong puno ng vetsin na nagdulot ng sakit sa akin. Ang nais ko lang sabihin ay, magaling ang ads ng Chowking. Kailanma'y hindi ko paborito ang Chowking. Kakain lang ako doon kung wala na talagang ibang mapagpipilian. Iba kasi kapag lumaking sanay sa pagkaing Tsino, mas alam mo kung ano ang authentic at hindi. Pero magaling sa ads ang Chowking talaga kasi ilang beses na akong nahikayat na subukin ang kanilang mga pagkain. Naalala ko dati umorder ako ng spicy seafood chaofan. Hindi siya spicy. Maalat sobra. Naiinis ako. Tapos yung noodles nila na lasang instant lang at ang konti pa. Tapos ngayon ay ang honey garlic chicken. Hay nako. Isa lang ang ok sa kanila, ang halo-halo.

No comments:

Post a Comment