Pages

Saturday, March 24, 2012

Problema sa Ulan

Kanina pagkalabas sa trabaho ay kapansin-pansin ang makulimlim na langit. Hindi ko masyadong binigyang-pansin subalit nakisakay ang mood ko sa lagay ng panahon at napaisip na naman muli ng mga bagay-bagay na dapat ay isinasaisantabi na. Naisip ko ang maraming estudyanteng dumaan sa akin na siguradong mamimiss ko. Naisip ko ang dalawang buwan na paghuhukay at iniisip ko kung kakayanin ko ba dahil pagbalik ko ay siguradong balik na naman ako sa paghahanap ng trabaho. Kung sakali mang wala, nariyan naman ang aking pribadong aklatan para tulungan akong magpalipas ng oras. Nariyan din ang isang katerbak na DVDs na hindi ko pa napapanood. 

Pagbaba ng bus ay agad na sumakay ako ng jeep. Tamang tama lang na pagkaupo ko ay biglang bumuhos ang malakas na ulan. Bago pa ito ay umaambon-ambon na. Medyo kakaiba ang pagbagsak ng ulan kanina. Naka-slant ang pagbagsak ng mga 50 degrees mula sa lupa. Minsan lang ako makakita ng ganito.

At wala pang sampung minuto ay nakita ko na ang paligid na puno ng tubig-ulan na may tangay na mga basura. Muli ay napaisip ako kung bakit ganito ang mga tao, walang pakialam sa kapaligiran, kung saan saan nagtatapon ng mga basura. Kahit na ilang beses na tayong nabiktima ng bagyo ay wala pa rin tayong kadala-dala. Laganap pa rin ang kawalan ng disiplina. Bukod pa rito, mukhang obsessed tayo sa paggawa ng sementadong mga kalsada. Naisip ko tuloy, kaya siguro gustong gusto ng mga nasa katungkulan ang pagpapagawa ng mga daan ay para magkaroon ng oportunidad para mangurakot. Tiyak ay malaki ang nakukuha nila sa mga obras publicas. Ang masama lang, ni wala nang tagasipsip ng tubig ulan. Barado ang mga canal dahil sa mga basura at ang lupa ay puro sinementuhan. Malamang magbabaha talaga kahit na sandalian lang ang ulan.

Nang tumawid ako sa overpass ay napaisip muli ako sa isang problema sa mga overpass. Wala man lang kahit maliliit na butas para ma-drain ang tubig-ulan. Baha tuloy sa itaas. Bakit kaya ganun? Parang hindi pinag-iisipan ang mga bagay-bagay bago gawin? Nakakainis na talaga.

Gustong gusto ko talaga kapag umuulan. Ang malamig na hangin ay nakatutulong maagtanggal ng stress lalo na't naghahabol ako ng requirement. Ang amoy ng hangin, na singaw ng lupa, ay isang kakaibang amoy na minahal ko rin. Gusto ko ang amoy lupa na hangin sa tuwing umuulan. Pero kapag nakikita ko ang kapabayaan ng mga tao na lumalabas lamang kapag may ulan, naiinis ako. Minsan ay iniisip kong, kung umulan kaya nang grabe at bahain ang buong Metro Manila? Magtatanda na kaya ang mga tao?

No comments:

Post a Comment