Pages

Friday, April 13, 2012

Nasan ka, Paraiso?

Nitong mga huling araw ay grabe ang init dito sa Metro Manila. Sa umaga ay halos masunog na ang balat ko lalo na sa pagitan ng a las dies at a las cuatro ng hapon. Nakakapaso. At kung anumang hangin ang meron ay mainit din. Kung kaya't hindi maiiwasan ang pagpapawis. Dahil dito ay dalawang bote ng tubig na ang dinadala ko, hindi tulad ng dati na iisa lang ay okay na.

At nitong mga huling araw ay madalas nasa balita ang SM dahil sa plano nitong magpalawak ng kanilang mall empire sa Baguio. Upang mangyari ang plano ay kinakailangan nilang ilipat ang mga puno sa ibang lugar. Mabuti na lamang at tumutol dito ang mga environmentalists kasama na rin ang mga mag-aaral. Dahil sa protestang ito ay iniutos ng korte na huwag ituloy ng SM ang pagrelocate sa mga puno.

Noong Disyembre lang ay nakita ng madla ang epekto ng pagkalbo ng ating mga bundok nang mag-iwan ng katakot-takot na kasawian ang bagyong Sendong sa Cagayan de Oro. Isa itong malaking leksyon para sa lahat na kailanma'y hindi maaaring ipagpalit ang natural na kapaligiran para lang sa sinsabi nilang "progreso" at "kaunlaran". Ang totoong kaunlaran ay hindi isinasakripisyo ang kalikasan bagkus ay pinprotektahan ito. Dahil sa laganap na exploitation ay ang mga taong inosente ang silang nagbabayad ng kanilang buhay habang ang mga may-ari ng mga korporasyong ito na nagsasanhi ng pagkawasak ng kapaligiran ay lalong yumayaman.

At ang lalong nakakainit pa ng ulo ay ang pagiging hipokrito ng SM. Tuwing Miyerkules ay hindi sila nagbibigay ng plastic bag sa mga mamimili sa Hypermarket o Supermarket. Bukod pa rito ay hinihikayat nila ang mamimili na gamitin ang kanilang eco bag o Green bag. At nitong nakalipas na taon lang ay nagpapalabas sila ng pelikula ni Al Gore na "The Inconvenient Truth". Kumbaga, ipinoproject nila ang image na sila ay pro-environment o maka-kalikasan. Pero sa totoo lang ay hindi naman talaga. Isa lang ang insidente sa Baguio sa maraming kasalanan ng SM sa kalikasan. Ang dapat ay maging mahigpit ang gobyerno sa pag-implementa ng mga batas.

Hindi maiiwasang muling tanungin ang sarili, Where is my paradise?. Lahat ng kalsada sa Metro Manila ay sementado. Kakaunti lang ang mga puno. Puro usok pa ng mga jeep at bus na parang kabute na sa dami sa mga daan samantalang karamihan ay bumibyahe nang halos walang pasahero. Nagiging isang malaking impyerno tuloy ang Metro Manila sa init at usok.

Nasaan ka, paraiso? Ang muling tanong ko.

No comments:

Post a Comment