Pages

Friday, July 13, 2012

Pag-aaral sa Labas ng Akademia

Kakatapos ko lang ng kursong Arkiyolohiya sa graduadong nibel noong Abril. Pagkatapos noon, nangako ako sa sarili ko na huwag munang mag-enroll nang basta basta, bagkus ay magsimula nang maghanap ng trabaho. Alam kong hindi madali ang pasyang ito sapagkat labis na akong napamahal sa UP at tila doon lang ako makakatagpo ng purong kaligayahan kapiling ang mga libro sa iba't ibang silid aklatang nagkalat sa unibersidad. Pero minsan ay kailangang maging praktikal. Ni hindi ko alam kung bakit ako sinasabihan ng mga tao dati na napakapraktikal ko, e sa aking palagay ay napakaromantiko't idealista ako.

Ngayong semestre ay hindi ako nag-enrol sa kahit na anong kurso. Sabi ko sa sarili ko, tama lang din iyon upang mabalikan ko rin ang mga bagay na inaaral ko nang mag-isa lang. Halimbawa na lamang ang Nihonggo na sinimulan kong aralin nang malaman kong mas madali iyon para sa akin gayong magaling ako sa wikang Tsino. At nakita ko sa sarili ko na mabilis ako matuto ng mga wika. Siguro isang faktor na rin doon ang pagiging mahilig ko sa anime at dahil na rin doon, sa mga kantang hapon. Sinimulan kong mag-aral ng Nihonggo sa bahay noong hayskul pa lang ako. Nang umapak na ako sa kolehiyo ay unti-unting nawalan ako ng oras para dito.

At ngayon na mas may libreng oras ako habang wala pang trabaho ay binuksan ko muli ang mga librong binili ko dati at nag-aaral muli ng Nihonggo. Medyo mahirap pero kakayanin. Ako naman yung tipo ng tao na hindi mabilis sumuko. At kahit na minsan ay parang sasabog na ang ulo ko, tuloy pa rin. Alam ko namang makukuha iyan sa tiyaga at determinasyon.

Bukod pa rito ay kinuha ko ang ilang libro ng mga kapatid ko upang magbasa-basa tungkol sa iba't ibang bagay. Medyo maswerte ako dahil nagkalat sa bahay ang mga libro sa fisika, matematika, at negosyo. Sayang lang wala ni isa sa amin ang kumuha ng IT o computer science. Sa ngayon ay inaaral ko ang mga may kinalaman sa negosyo, lalo na sa accounting. Sa aking palagay, magagamit ko iyon panigurado sa aking pagpasok sa corporate world.

Bakit nga ba ako nag-aaral nang kung anu-ano? Iyan ang madalas na tanong sa akin ng mga tao. Isa lang ang masasabi ko, hindi natin alam kung kailan natin kakailanganin ang mga bagay na tila walang halaga. Mabuti nang maging handa kaysa magsisi sa huli. Kung kaya't para sa akin, bawat segundo ay mahalaga, at ito'y inilalaan ko sa pag-aaral ng kung anu-ano. Maaaring galing sa libro ang impormasyon, maaaring aktwal na pagppraktis nito. Ang mahalaga ay alam ko kung paano ko gamitin ang mga bagay na natutunan ko.

No comments:

Post a Comment