Pages

Wednesday, November 28, 2012

From Multiply 030: Ika-15 ng Mayo 2009


Kahapon, wala kaming klase sa Frances. Hindi ko alam kung kasalanan ko ba nag lahat. Minsa'y iniisip ko, baka nawawalan na ng gana magturo ang aming guro dahil madalas akong pumapasok nang huli, mga 9:45 at minsa'y mga 10 ng umaga. Hindi ko man sinasadya, (kasalanan ng mga tsuper ng yip dahil ang tagal nilang humihinto sa MRT at Philcoa upang maghintay ng mga pasahero, pero naiintindihan ko na bahagi lang ito ng hanapbuhay nila.) ito'y nagpapakita ng kawalan ng paggalang. Madalas dinedemonyo akong huwag na lang pumasok pero kinakailangan. Ngayon, huli na naman ako. Nakakainis!

Medyo maaga kami pinalabas. Medyo malamig ang panahon kung kaya't nagmamadali akong tumakbo sa CNB para magbanyo. At di inaasahang sa aking pagbaba ay narinig ko ang isang tinig na tumawag sa akin. Si Rufus pala. Nagulat ako. Hindi ko inaasahang makita siya doon. Pero siyempre, masaya rin kasi gusto ko rin siya makita. Maaraming bagay na dapat sabihin, lalong lalo na ang paghingi ng kapatawaran dahil sa inasta ko noong nasa bundok kami sa Makiling. Natarayan ko siya at ni hindi man lang ako nagsabi ng paumanhin. Akalain mo, sa lahat ng mga kasama ko, siya lang ang nagmalasakit sa akin noong nasa bundok kami. Kahit na sabihin nating gusto kong mapag-isa para hindi mawala ang atensyon ko sa aking mga hakbang, hindi tama na maging mataray sa isang nagmamalasakit.

Nagtungo kami sa silid-aklatan at nagkwentuhan. Medyo nahirapan akong humingi ng tawad. Hindi ko rin alam kung ano ang magiging reaksyon niya. Pero alam ko ang nararapat. ayun, sabi ko, 'Ei, sorry kung mataray ako nung hike. blah vblah blah..." At nagulat ako sa sinabi niyang, "Wala yun, ang bait mo kaya."

Medyo naiyak ako doon. Bihira lang ang may magsabi sa akin ng ganun. Dati, may natarayan din ako dala ng aking pabagu-bagong timpla ng damdamin at siyempre humingi rin ako ng paumanhin nang matauhan ako. Kamakailan lang ay naglabas siya ng saloobin sa akin gamit ang YM, sinabihan pa rin niya ako ng "Melo, you're so sweet!". Gustong gusto ko na siya makita. Noong nakaraang semestre ko lang naramdaman kung gaano siya kaimportante sa buhay ko. Isang taong nagpapahalaga sa akin sa kabila ng aking mga pagkukulang. Isang taong nakakintindi sa mga nangyayari sa akin. Isang kaibigan na handang gumugol ng oras para sa akin. Isang parte ng puso ko na kailanma'y di malilimutan. (Charing, ang drama!!!)

Usap usap. Kung anu-ano lang. Pero kadalasa'y tungkol sa mga libro at anime ang aming pag-uusap. Ang dami niyang librong nabasa na. Kumbaga, adik na tingin ko sa kanya. (Buti pa siya, sinusuportahan ng kanyang mga magulang ang hilig niya sa pagbabasa habang ako'y umaasa lamang sa mga librong mayroon ang silid-aklatan ng UP.) Hindi ko alam kung anong meron, bigla kong minungkahi na magpunta kami sa palaruan na sinasabi ni Maxell, iyong matatagpuan sa Edipisyo ng Matematika. Nagkasundo kaming magkikita sa silid-akalatang iyon ng CAL pagkatapos ng klase ko sa Aleman.

Kumain muna ako ng "chicken balls". (Suko na ako, ayoko magsalin ng kakornihan...) Matagal-tagal na rin akong di kumakain nun.

Umiral na naman ang pagiging P-chan ko. (Sa mga hindi nakakaalam, si P-chan ay iyong itim na biik sa anime ng Ranma 1/2 na madalas naliligaw.) Pero iyon ay dahil matagal na akong hindi napapadpad sa parteng iyon ng UP.

At ayun na nga. Wala naman kaming nakitang palaruan sa Edipisyo ng Matematika. Mayroon sa Kolehiyo ng Agham. Doon lang kami sa mga ugoy ("swings"). At ayon na nga, kwento kwento ulit. Paborito rin pala niya yung "Niea Under 7". Gusto ko rin ang palabas na iyon, lalo na yung mga kanta. Mahilig siya sa "rock", ako rin, pero ang pinag-iba namin, ako emo, siya yung mga ewan na rock na di ko na maalala. (Ilang beses na niya nabanggit ang mga bandang paborito niya. Mahina lang talaga ang aking alaala.)

Pagkatapos nun, sa SM North kami. Pero bago kami sumakay, nilibre niya ako ng pinalamig na Milo ng Katag. Mainit kasi. Hala, may utang na ako sa kanya. Ililibre ko siya sa susunod na magkita kami.

At doon kami naghiwalay ng landas dahil kinakailangan ko nang umuwi.

Pagkauwi sa bahay, nakaugalian ko nang magbasa ng dyaryo. Pero kalimitan, iyong PDI lang binabasa ko. Hindi ko alam bakit ngayon ay binuksan ko ang dyaryong Tsino na nahalo sa PDI. Dinaanan ng mga mata ko ang mga artikulong naroon, nakakita ng interesanteng babasahin tungkol sa "nawalang pag-ibig" at binasa iyon. (Kurt, hindi pa pala nawawala ang napag-aralan ko =D nakakaintindi pa rin ako, yeba!!!!)

Ayon sa artikulong iyon, may isang babae na umiiyak dahil naghiwalay sila ng kanyang nobyo. Dumating ang isang tao at sinabihan siyang "istupida!" nang malaman kung bakit siya umiiyak. Bakit daw siya iiyak ngayong nawala sa buhay niya ang isang taong hindi naman nagmamahal sa kanya? Dapat ikasaya niyaa yun. Ang unang bumitaw sa isang relasyon ay siyang di talaga umiibig. Ang iniwan ay hindi nawalan. Ang nang-iwan ang may malaking kawalan, dahil iniwan niya ang taong tunay na nagmamahal sa kanya. (Nais ko lang ibahagi. Sana'y nagustuhan ninyo.)

May 15, '09 8:12 AM
for Miracle's friends, Miracle's family and Miracle's online buddies

No comments:

Post a Comment