Pages

Thursday, November 29, 2012

From Multiply 084: Mga Iniisip sa Jeep


Araw-araw, sa aking pagpasok sa unibersidad, habang nakasakaay sa jeep, hindi ko maiwasan ang mag-isip tungkol sa mga bagay-bagay. Siguro, malaking tulong ang pagsakay ko ng dyip at bus sa pagmamasid ng mga tao at sa pag-iisip.

Una sa lahat, lagi kong naiisip ang usok na galing sa tambucho ng mga sasakyan. Nakakapangsira ng araw ang maiitim na usok, tila ba'y nagdidilim ang mundo ko sa tuwing naiisip na maraming naaapektuhan sa mga masamang elementong taglay ng usok sa iyon. Ikalawa, ang labis na init ng panahon na tila ba'y niluluto kang dahan-dahan. Bakit ba kasi sinesementuhan na lang lahat? Ang init-init tuloy. Mabuti pa ang lupa, nakakaabsorb ng init kung kaya't hindi mo maiisip na parang nasa loob ka ng oven. Lubos akong nalulungkot sa kakulangan ng mga puno dito sa QC. Ang QMC at UPD lang siguro ang may malalawak na lupain na may tanim na puno't iba't ibang halaman. Napakainit tuloy sa QC.

Sa dalawang bagay na ito, lagi kong tinatanong kung kailangan ba talaga ang mga ito. Akit ba lubhang obses ang mga tao sa mga sementadong daan? Oo nga madaling daanan, wala pang putik, pero hindi ba sila naiinitan??? O baka ang nasa isip nila ay porke sementado e ibig sabihin na noon ay well-developed? Aba'y isang maalaking pagkakamali iyon kung ganoon ang iniisip nila! Ang masasabi kong well-developed na bansa ay yaong may magandang programa sa kalikasan, na maayos ang kapaligiran, may mga infrastraktura oo, pero kasabay ng mga ito ang paglalaan ng lugar para sa mga puno sa siudad.

Sa tingin ko isang dahilan kung bakit hindi na binibigyang pansin ang mga puno't halaman sa siudad ay dahil na rin sa kakulangan sa puwesto para sa tao. Taun-taon kasi kayrami ng mga nagsisipunta rito sa Maynila para maghanap ng magandang kapalaran. Hindi kasi binibigyan masyado ng pansin ang mga pangangailangan ng mga nasa probinsya kung kaya't lahat ay nag-aakala na baka dito sa sentro ng urbanidad ay mas maginhawa ang buhay.

Ni kulang tayo sa watershed areas. Kaya pag malakas ang ulan, katakut-takot na baha. Kapag panahon ng tag-init, wala ring tubig. Paano ba naman kasi, ang akala siguro ng mga tao ang Maynilad ang talagang "batis" ng tubig. Aba'y hindi no! Nariyan ang mga dam. Pero para sa akin, mas importante na may malalawak na watershed areas. Hindi lamang ito nakapag-iipon ng tubig kapag umuulan, nakatutulong rin ito sa tag-init. Dahil sa naipong tubig-ulan, may makukuha ang mga tao kapag kailangan nila ng tubig. Hindi ko nga lang alam kung gaano karaming tubig ang naiipon ng isang hektaryang lupa, at hindi ko rin alam kung sapat ba ito para sa higit sa sandaang libong taong naninirahan sa Metro Manila. (Sa tingin ko hindi sapat, lalo na kasi alam naman nating lahat na mahilig maligo ang mga Pilipino.)

Minsan naiisip ko na tumira na lang sa bundok, kung saan presko ang hangin, malinis ang tubig at simple lang ang pamumuhay. Pero sa kabilang banda, iniisip ko, kaya ko kayang talikuran ang buhay na nakasanayan ko na? Ang ibig sabihin ko dito ay ang paggamit ng laptop para maglibang. Importante rin ang kuryente para sa pagbabasa sa gabi. At siyempre, mahirap naman ata kung walang bagong babasahin. Kailangan ko pa rin ng koneksyon sa sibilisasyon.

Minsan tuliy iniisip ko, paano kaya kung hindi nagkaroon ng Industrial Revolution? Ngayon naman kasi, sa dami ng mga gadgets at kung anu-ano pang imbensyon, masasan=bi mo ba talaga na masaya ang tao? Masasabi mo ba na sa bawat pag-asenso sa larangan ng siyensya ay mas nakakamit ang tunay na kaligayahan? O kaya, na mas nagiging responsable at mas palaisip ang mga tao?  Siguro ang iilan oo, pero ang karamihan, hindi. Naku! Isang malaking probelma iyon, lalo na sa bansa natin na hindi lahat ay nakapag-aaral. Importante talaga ang edukasyon, hindi lamang ukol sa siyensiya, maging sa pagtuturo ng etika. Sa tingin ko, kulang tayo dito sa huli. Bakit?

Nariyan ang mga taong disente manamit, naka-makeup pa, ang iba naka-gel pa, na aakalain mo na may magandang trabaho. Siyempre, ibig sabihin, nakapagtapos ang mga ito. Tapos maakikita mo na lang na biglang magtatapon ng balat ng kendi sa daanan. Siyempre, klasik na halimbawa na ang balat ng kendi. Mas nakakainis kapag mga boteng plastik pa! Meron din mga aluminum foil. Nakakainis lang kasi pati pala mga nakapagtapos ay hindi mo masasabing may pinag-aralan o totoong edukado.

Alam naman nating lahat na masama ang magtapon ng kung anu-ano sa kalsada. O baka sa tingin mo ikaw lang ang may karapatan na magtapon at aang iba ay wala? Eto lang ang masasabi ko, para gumandaa ang kapaligiran, kailangan magtulong-tulong ang LAHAT, at ibig sabihin, kahit na sino mayaman o mahirap, matanda o bata, babae o lalaki, basta LAHAT. Isa pang dahilan kung bakit tapon pa rin ng tapon ang mga tao sa kung saan-saan ay dahil na rin sa pag-aakalang may mga metro aide naman. Aba, balak pa yatang pabigatin ang trabaho ng mga ito! Mga walang puso! Kayo kaya ang magwalis sa ilalim ng init ng araw??? At ang nakakainis ay may mga nagrereklamong ang dumi-dumi ng Pilipinas pero sila naman mismo ang nagkokontribyut sa pagiging marumi ng bansa.

Naalala ko tuloy yung isang forum na ginawa namin para sa CWTS sa isang barangay. May topic kami doon tungkol sa kalinisan bukod pa sa ibang mga bagay at inimbitahan namin ang ilang mga residente at mga NGO at iilang may impluwensiya sa barangay. Lahat ay nagreklamo tungkol sa mga hindi sumusunod sa patakaran ng kalinisan. Pero nang matapos ang forum na iyon, aba, karamihan sa kanila ay hanggang salita lang pala, kasi sila rin ay nagkakalat. Yung mga tetra pack ng juice at balot ng meryenda ay iniwang nakakalat sa sahig, samantalang may basurahan naman sa lugar na pinagganapan ng forum. Tsk tsk! Ganito ba talaga ang mga Pilipino, naghihintay ng pagbabago nang hindi sinisimulan sa sarili?

Jan 23, '10 12:53 PM
for everyone

No comments:

Post a Comment