Friday, November 25, 2011

Pelikulang Pinoy: Isang Pagbabalik-Alaala

Kanina habang nasa loob ng isang bus, nilibang ko ang sarili sa panonood ng TV. Nakatune-in sa GMA ang TV sa bus at may komersyal patungkol sa ipapalabas na pelikula. Ang pelikulang iyon ay isa sa mga madalas kong mapanood noong bata ako. Isa rin iyon sa aking mga paborito.

Naroon sa pelikulang iyon si Roderick Paulate. Ang papel niya doon ay isang engkanto na may anyong puno. Pinarurusahan niya ang mga illegal loggers habang pinoprotektahan ang gubat. Ang titulo noong pelikula ay "Engkanto". Hindi ko na masyadong maalala ang pelikulang iyon kahit na madalas ko iyon mapanood noong bata pa ako.

Bigla ko lang naalala ang ilan sa mga pelikula ni Roderick Paulate. Masasabi kong isa siya sa mga paborito kong artista. (Sayang lang at hindi na siya gaanong lumalabas sa TV. Ang pinakahuli niya yatang labas ay sa "Zombadings: Patayin sa Shokot si Remington".) Ilan sa mga paborito kong pelikulang kinatampukan niya ay "Bala at Lipstick" kung saan dalawang papel ang ginampanan niya: isang machong pulis at isang baklita. Nakakatawa ang pelikulang ito. Ang isa naman ay "Petrang Kabayo". Medyo natakot ako noong pinanood ko ito dati lalo na yung eksenang nagtransform si Roderick Paulate at naging kabayo.

Nakakamis lang ang mga pelikulang Pinoy dati. Ngayon kasi, ang mainstream na pelikula ay puro tungkol sa teenage love. Ang baduy at ang jologs lang sobra kasi ang mga titulo pa ay hango sa mga titulo ng mga kilalang mga kanta ng mga taga-Kanluran.

Naalala ko dati noong bata ako, madalas kami manood ng pelikula sa TV, lalo na sa Cinema One. Patok ang komedya at fantasya noon. Gustong gusto ko ng "Magic Temple" at "Magic Kingdom". Tapos nariyan din ang "Batang X". Medyo nakakatakot ang mga ito para sa akin noong bata ako. Kasi sa isip ko kung ako bilang bata ako noon, ang nalagay sa sitwasyon nila e paniguradong manginginig lang ako sa takot. Di malilimutan ang isang eksena sa "Magic Temple" kung saan hinarap ng mga bata si Ravenan. Nakakatakot yung parteng iyon. (At paborito ko yung mga parte kung saan pinakita si Anna Larrucea. Crush ko siya dati. At dahil crush ko siya ay madalas ko rin panoorin ang "Batang X" kung saan siya si Trina, kahit na nakakatakot iyon para sa akin dati.)

Mayroon ding isang pelikula na hindi ko napanood nang buo pero ilang beses ko rin nasilayan. Ang pamagat nun ay "Baby Love" at syempre gusto ko dahil naroon si Anna Larrucea. Ang cute talaga ni Anna Larrucea noong bata siya.

Mahilig din akong manood ng mga komedya tulad ng mga pelikula ni Vic Sotto kung saan kasama niya ang mga katropa niya. Minsan medyo nakakasawa kasi pare-pareho yung mga kasama niya at halos umuulit lang ang kwento. Pero nakakatawa lang din kasi sila Pipoy, Richie dela Horsy, atbp. Kabilang din si Rene Requiestas sa mga gusto naming komediante. Di makakalimutan ang "Pido Dida" kung saan kasama niya si Kris Aquino.

Noong bata ako ay nahiligan kong manood ng pelikula dahil sa mga pelikulang nabanggit. Naudlot lang dahil dumagsa ang maraming pelikulang hindi interesting para sa akin. Hindi talaga ako mahilig sa romance. At dahil naging uso iyon e inihinto ko na ang panonood ng mga pelikula.

Pero may nangyari't nabalik ang tiwala ko sa mga gumagawa ng pelikula. Napanood ko ang ilan sa mgagandang indie films natin. Nariyan ang "Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros", "Pisay", at etong huli lang, "Ang Babae sa Septic Tank", "E-Libings", etc. Naging open din ako sa mga pelikula ng ibang bansa. Sa ngayon ay patuloy ang pag-explore ko ng mundo ng pelikula, kasama na rito ang animated films. Sa ngayon, ang fokus ko ay iyong mga mula sa Tsina, U.S., Hapon, Espanya, at syempre, iyong sariling atin.


No comments:

Post a Comment