Wednesday, November 28, 2012

From Multiply 067: Pacman at ang Media


Naiinis talaga ako sa tuwing may laban si Pacman. Hindi naman sa hindi ko ipinagmamalaki ang galing ng Pinoy. Naiinis lang ako sa atensyon na ibinibigay ng media sa kanya at sa labis na pag-iidolo ng mga mamamayan sa kanya.

Sino nga ba naman ang hindi mamamangha kay Pacman? Galing sa hirap na ngayon ay sobrang yaman na dahil sa kanyang mga panalo sa laban. At nariyan rin ang kanyang determinasyon kapag nasa gitna ng laban. Hindi agad-agad na sumusuko. Siyempre, kahanga-hanga rin ang kanyang tapang at tibay ng loob, biruin mo, napapatumba niya kahit yung mga higanteng dayuhan! Dapat lang na tingalain siya. Pero sa halip na maging parte ng collective pride, hindi ba't mas maganda kung may individual pride? Yung tipong maipagmamalaki mo ang sarili mo bilang Pinoy dahil ikaw mismo ay may nagawang maganda para sa bayan?

May isang aspekto lang na kinaiinisan ko. Ito ay yung mga intriga tungkol sa buhay mag-asawa nila Pacman at Jinkee, pati na rin ng kanyang nanay na si aling Dionisia. Lagi na lang, pagkatapos ng laban niya, halos araw-araw nasa TV at mga dyaryo sila, minsan sa punto na dinodomina na ni Pacman ang media at natatabunan ang mga mahahalagang isyu.

Labis din ang pagbibigay karangalan ng gobyerno kay Pacman. Siguro isa itong paraan--- ang paggamit kay Pacman para mapunta ang atensyon ng madla sa kanya at makalimutan ang mga kasukam-sukam na nangyayari sa gobyerno. Dapat nga lang, kasi iniaangat niya ang Pilipinas sa mundo ng boxing. Pero lagi kong tinatanong, bakit yung ibang malaki ang na-contribute e ni hindi lamang napapansin. Bakit kapag sa larangan ng boxing e mas may karangalan?

Kasingsikat ba ni Pacman si Joaquin "Chino" Gutierrez? Kung tutuusin, mas malaking karangalan ang naibigay niya sa bayan. Nakakuha siya ng scholarship sa Munich, Germany para mag-aral ng musika at nilampasan niya ang mga ekspektasyon sa kanya--- nanalo siya sa mga kompetisyon sa matematika at siensya. Ipinakita niya sa mga europeo na kaya rin nating mga Pinoy na makipagsabayan sa sining at mga siensiya.

Oo nga't may mga balita rin kay Charice Pempengco at Arnel Pineda, na talagang mahuhusay kumanta. Pero hanggang doon na lamang ba? Bakit hindi lumalabas sa TV ang mga manunulat o mga novelista? (Pwera na lang noong nagkaroon ng pagtutol sa pagiging National Artist ni Carlos J. Caparas.) Bakit hindi man lang lumabas sa TV ang imbensyon na maaaring makatulong sa atin? (Lahat ng ito'y nabalitaan ko lang sa PDI at hindi sa TV.)

Kahit papaano ay ok ang PDI dahil maraming matututunan ang mga mambabasa nito. Ang problema, ito'y nakasulat sa Ingles. Hindi naman lahat ay kayang magbasa ng Ingles, kung kaya't mga tabloid na lang ang binabasa nila. Matagal na rin akong hindi nagbubuklat ng tabloid pero dati, ang puro nakikita ko ay mga maiiksing artikulo tungkol sa mga isyu sa Pilipinas. Maliit ang inilalaang espasyo para sa mga balitang may kaugnayan sa pulitika, krimen, atbpng mahahalagang bagay. Pero grabe ang nakalaan para sa showbiz. At siyempre, nariyan ang malalaking larawan ng mga artistang tila nagpapatalbugan sa kaseksihan. Nariyan din ang mga artikulong panira sa rasyonal sa kaisipan ng mga mambabasa, tulad na lang ng numerology, mga interpretasyon ng mga panaginip, horoscope, atbp. Nariyan din ang mga tagpi-tagping "nobela" na talaga namang bulgar--- puro may kinalaman sa pag-ibig at sex. Talagang nakakasira sa matuwid na pag-iisip ang mga dyaryong ito. Kung may bersyong Filipino sana ang PDI...

Sa tingin ko, isang malaking faktor ang interes ng mamamayan, at ang mga media naman, lumilkom lang ng mga bagay-bagay kung saan interesado ang masa. Malaki at importante ang papel ng media. Sa kanya nakasalalay ang national consciousness. Pero ano ang nangyayari? Ito ay mas nakafokus sa mundo ng showbiz. Mas pinapahalagahan ang mga iskandalo ng mga artista o kaya mga intriga na wala namang katuturan. Ang masama, gustong-gusto ito ng masa. Puro na lang chismis. Mayroon din namang mga matinong palabas, pero ang galing nga naman talaga, kasi pinapalabas lang sila kapag mga hatinggabi na. Ang laki talaga ng kaibahan sa ibang bansa. Kung may cable channel ka, subukin mong manood ng TV5Monde (Francia), TVE (Espana), DWTV (Alemania), NHK (Hapon) at RAI (Italia). Makabuluhan ang mga programa nila, yung tipong may matututunan ang mga manonood. Binibigyan ng importansya ang sining, literatura, musika, mga bagong imbensyon, etc. Samakatwid, ang media ay nagiging isang paraan para bigyang edukasyon ang mamamayan. E dito, puro chismis.

Nov 21, '09 5:15 AM
for everyone

No comments:

Post a Comment