Pangalawang beses na ngayong buwan na may nakasabay ako sa dyip na parang walang pakialam sa kapaligiran at basta basta lang nagtatapon ng basura sa kalsada.
Yung una, hindi ko nai-blog dahil masyado akong abala. Pero heto ang nangyari. Yung babaeng nakaupo sa tapat ko ay kumakain ng mansanas at habang kumakain ay binabato sa kalsada ay balat. Habang umaandar ang dyip e bato lang siya nang bato. Tinitigan ko siya nang masama sa pag-asang magkaroon naman siya kahit konting kahihiyan pero hindi efektibo at patuloy pa rin siya sa pagtapon nang walang pakialam. Dapat pala hinampas ko na lang siya ng payong ko, baka matauhan pa.
Yung kanina naman, hindi ko na talaga alam kung ano ang iisipin ko. Isang mag-ina ang nakaupo sa tapat ko. May hawak na McDo float yung bata at sa kalagitnaan ng biyahe ay naubos niya iyon. At grabe, yung nanay pa ang nagsabi sa kanya na itapon niya sa kalsada yung walang laman na baso. Sa gitna ba naman ng EDSA!!! Imbes na turuan nang maganda ang bata e tinuruan pa ng masama. Nakakainis talaga. Kaya tinitigan ko yung nanay nang masama at parang nahiya yung nanay dahil hindi makatingin sa akin. Siguro hindi rin siya tinuruan nang maayos ng nanay niya. Nakakhiya siya.
Ganito na lang ba tayo lagi? Naranasan natin si Ondoy, pero heto pa rin tayo at patuloy na sumisira sa ating kapaligiran at kung saan saan nagtatapon ng kung anu-ano. Ang arte pa ng karamihan kasi ayaw magbitbit ng kapiranggot na basura. Bakit hindi mo na lang hintayin na makarating ka sa kung saan may basurahan bago mo itapon ang basura mo?
Ano ang nangyari sa mga pinag-aralan natin sa paaralan tungkol sa kahalagahan ng pag-aalaga sa ating kapaligiran? Lahat ba ng mga napag-aaralan natin ay puro teorya lang at hindi na natin iniisip na i-apply sa totoong buhay?
for everyone
No comments:
Post a Comment