Wednesday, November 28, 2012

From Multiply 070: Efren Penaflorida: Bayani


Madalas kong nababasa na ang mga Pilipino ay labis na nagbibigay halaga sa edukasyon. Hirap man ako maniwala (sa kadahilanang bibihira lamang ako makakita ng mga nagsisikap talagang mag-aaral lalo na ngayong nariyan ang iba't ibang dibersiyon na talaga namang nagiging hadlang sa pag-aaral) ay gugustuhin ko. Napansin ko lang kasi na karamihan sa mga magulang na Pilipino ay handang gawin ang lahat makapag-aral lang ang kanilang mga anak. Yun nga lang minsan ang mga anak ang hindi marunong mag-isip at bulakbol lang ang ginagawa.

Pero nitong mga huling linggo, nababasa ko ang tungkol sa isang tao na nagpabago ng buhay ng mga kabataan. SIya ay si Efren Penaflorida. Ayon sa mga dyaryo, sa halip na sumali siya sa mga "gang" ay pinili niyang magsilbi sa bayan sa pamamagitan ng pagbibigay edukasyon sa mga kabataang walang kakayahang makapag-aral. Isa siya sa mga dapat na binibigyan ng fokus ng media, isang mas karapat-dapat na idolohin kaysa doon sa boksingero.

Ang nakakainis lang, kailangan pa talaga na ibang bansa ang unang magbigay parangal sa kanya bago ang sarili nating bayan. Siguro, kung hindi siya nanalo bilang CNN Hero of the Year 2009, hindi siya gagawing myembro ng Order of Lakandula, ang pinakamataas na karangalan na pwedeng ibigay sa mamamayang katangi-tanging naglingkod sa Pilipinas. Napakahipokrita talaga ng gobyerno. Sa tingin ko, napilitan lang din sila gawin iyon para lang sabihin ng ibang bansa na labis ang suporta ng gobyerno sa edukasyon. Pero ito'y isang malaking kasinungalinagn!

Kung tutuusin, ang pagiging "backward" ng Pilipinas ay dulot ng korupsyon. Dahil sa labis na fokus sa pansariling interes, ang mga opisyal ay nangungurakot. Nababawasan ang pera ng kaban ng bayan, at nababawasan din ang badyet para sa mga serbisyong panlipunan tulad na lamang ng pangkalusugan, edukasyon, pabahay, atbp. Sadya rin ang pagpapahirap sa mga tao. Ang pag"deny" sa mga tao ng matinong edukasyon ay nakahahadlang sa kritikal na pag-iisip. Kaakibat ng patuloy na pagbibigay importansya sa mga walang kwentang bagay ng media ang gobyerno na naglalayong gawing mangmang ang mga tao para mas madali silang mauto. At ngayon nga, mangmang ang masa.

Pero ganon-ganon na lang ba? Natutuwa ako kapag nakakarinig ako ng mga Pilipinong hindi lang binago ang sariling buhay, kundi ay nakapagpabago rin ng buhay ng kapwa niya Pilipino. Bibihira lang ang mga taong tulad ni Penaflorida, pero lubos na nakakataba ng puso na alam mong may natitira pa ring nagmamalasakit sa bayan.

Isa siyang inspirasyon. Bilang isang iskolar ng bayan, magiging tulad rin niya kaya ako? Matagal ko ng napagdesisyunan na pagkatapos ko ng kolehiyo ay mag-aaral ako sa ibang bansa at babalik dito sa Pilipinas pagkatapos ko makalikom ng sapat na eksperiensiya. Ang hamon ko sa sarili ay "matutupad ko ba ito?". Sa lahat ng iskolar ng bayan, matatapatan o mahihigitan niyo ba ang ginawa ni Penaflorida? Sana lang, kapag nakaasenso na tayo sa buhay ay hindi natin malilimutan ang ating kapwa Pilipino na lagmak sa kahirapan.

Edukasyon para sa lahat!!! Iyan ang dapat na ipaglaban natin.

Efren Penaflorida, isa kang bayani. Saludo ako sa iyo!!!

Nov 24, '09 12:04 PM
for everyone

No comments:

Post a Comment